“Hazel, hali ka na. Kailangan na nating umalis.” Hindi ko siya nilingon kaagad. Nanatili lang akong nakaupo sa sulok ng kuwarto. Yakap ang mga binti at hawak ang pistola ni papa. Dinig ko pa rin ang dalawang beses na pagputok no’n kanikanina lang. Nakabibingi. Muntik ko na nga ring hindi kayanin ang recoil, lalo na no’ng unang putok. Kinse anyos lang naman kasi ako. Oo, madalas kong nakikita ang baril ng tatay kong pulis, pero ‘di ko pa naman ‘yon nasusubukang gamitin.
“Natatakot ka ba?” Doon na ako nag-angat ng tingin, bagamat hindi pa rin ako nagsalita. Pinilit kong pakiramdaman ang kanyang mukha, pero sadyang wala akong makitang anumang damdamin. Kumurap ako at iniligid ang mga mata sa paligid. Napakagulo ng kuwarto. Nagkalat ang mga gamit sa sahig. Nakita ko rin ang magulo at duguang kama kung saan nakahiga si papa.
“Nagsisisi ka?” Muli akong tumingin sa nagsalita. Tuwid lang siyang nakatayo, habang nakatitig sa akin.
“Hindi,” iling ko. “Anong mangyayari sa akin ngayon? Paparusahan ba ako?”
“Hali ka na.” Hindi niya ako sinagot. Bagkos ay muli niyang inilahad ang kanang palad sa harap ko. Pumikit ako. Humugot ng malalim na buntonghininga. Hindi na nagtaka nang walang maramdamang hangin. Dumilat ako at muling tumitig sa kausap.
“Tara.” Inabot ko ang kanyang butong palad, tsaka tumayo. Lumingon ako sa naiwan kong katawang may hawak ng pistola, hubo’t hubad at duguan ang sentido. “ “Ayaw ko na rito. Salamat kung saan mo man ako dadalhin,” ngiti ko nang hinawakan ang malamig niyang karit.