Gumagapang na ako ngayon sa ikalawang palapag.
Nakaakyat sa balkon, nakasilip na sa bintana.
Dalawang buwan na rin
mula nang aksidente mong maihalo ang abo ko
sa tinimpla mong kape. Matapos mong idilig,
kasama na akong gumagapang ngayon
ng mga alaga mong halaman. Kinukumusta mo ako
bawat umaga, na gusto ko ring gawin, pero hindi maikaway
ng aking mga baging ang kahit simpleng paalam.
Inaáko kong pagmamahal ang naroroon sa bawat
pagdidilig at pag-aaruga mo sa akin
sa ngayong anyo ko. Kung gabi na
At nagpapahinga na ang lahat, naririto pa rin ako
Sa bintana’t nakatanaw sa ating silid, nangangarap
na sa susunod na mga buwan ay lumago
upang makagapang sa iyong tabi
at malapitang pagmasdan ang iyong mga mata,
ang ilong, dibdib, kamay, at leeg habang nahihimbing ka,
at kinaumagahan, magigisnan mo na lang
na nakapulupot ako
sa iyong daliri.