Nag-enrol sa TESDA para matutong gumawa ng hamon.
Binalak sanang mag-negosyo ngunit lumipas ang taon.
Patok ang embutido mo, pero hindi siya para ibenta.
May panghanda talaga kamo, pambaon sa mga bisita.
Nag-order na lang tayo para sa huli mong Pasko.
Ano kaya ang timpla ng iyong hamon kung nagkataon. Singtamis
ng mula sa opis noong medyo meron-meron pa ang opis?
Malayo namang gaya sa Espanya na nakaupo lang sa gilid ng salas.
Malayo doon sa napapanood na may sarili pang bahay-usok!
Malayo na ang iyong salas kahit dito na mismo umuupo
o natutulog, kulob sa pawis, yakap ang unan, halukipkip.