“Next page!” sabat ni Boris, estudyanteng Grade 3 sa public school. Toka ko ritong magbasa ng librong Ang Mahiyaing Manok bilang volunteer storyteller. Horseshoe ang pagkakaayos ng mga silya, dalawang hanay, at nasa tapat ko si Boris, nasa likod nga lang ng isang kaklase dahil siya ang pinakamalaki sa trenta’y tres na bata. Kuwarenta’y dos ang inaasahan noong umagang iyon, ngunit dala ng pabago-bagong lagay ng panahon, mga karamdaman, at iba pang dahilan, maraming absent. “Pumutok din kasi ang bulkan,” hinala ng isang guro, kaya rin hindi nakapasok ang anak niyang may hika.
Sa kolehiyo ako nagtuturo at isang semestre nang naka-leave. Kinakapa ko ang mga graders at umaasang sapat nang paghahanda ang oryentasyon ng UPOU Pahinungod, praktis mag-isa, at praktis sa harap ng aking mga bunso. Gayumpaman, apat na beses kong narinig ang “next page” ni Boris. Hindi naman ako nasiraan ng loob dahil sumasagot pa rin ang kanyang mga kaklase at, sa totoo lang, hindi naman ganoong kalakas ang kanyang sabat. Pakiwari ko’y nasa loob siya ng kuwento, may pakialam siya, nadadala siya! Gusto lang niyang bumilis.
Mukhang ganito nga, dahil sa Q&A portion, ikalawa siya sa mga naglakas-loob na mag-recite. Noong sinabi kong paubos na ang papremyo kong lapis at pambura, lumapit siya sa akin at tinuro ang tahimik niyang kaklase. “Hindi mo pa tinatawag si Eugene.” Noong nagpaalam si Eugene na mag-CR, nagpaalam din siya para samahan ang kaibigan.
“BFF talaga sila,” paliwanag ni Ma’am Marian sa akin habang magiliw na nagpapalaro sa mga bata ang staff ng Pahinungod at mahusay na pinapalalim ang kanilang pagkakaunawa sa kuwento. Sayang at hindi na nakasali si Boris sa mga palarong ito dahil nauna na siyang nakatanggap ng premyo. Dalawang taon nang estudyante ni Ma’am Marian sina Boris at Eugene. Nagkataong sumabay sa kanyang paglipat mula Grade 2 tungo Grade 3 ang kanyang mga estudyante. “Nasa spectrum si Boris. Lagpas kalahati sa kanila, may karamdaman.” May estudyante siyang naka-colostomy bag, bumibisita ang magulang tuwing break para linisan.
Metikulosa at masistema si Ma’am Marian. Tinulungan niya ang staff sa set-up ng palaro kaya naging mas epektibo ito, streamlined kumbaga, at walang magulong agawan sa mga munting premyo. Siya rin ang nag-ayos ng aming “class picture,” bagay na kinatuwa ng ibang staff at volunteer. “E hindi pumayag si Ma’am na walang litrato!” Mabilis niyang naipuwesto kami at ang mga estudyante. Siya rin mismo ang kumuha ng litrato. Tumatalima sa kanya ang mga bata kaya hindi niya kailangang sumigaw. Mukhang hindi rin siya masyadong mahigpit. Halimbawa, nagpaalam ako habang nagbabasa, “Ma’am, puwede ba silang tumilaok nang sabay-sabay?”
“Oo! Sure!” Halatang masaya siya kapag masaya ang mga bata. Noong lumabas sa kanilang miting ang Read Aloud Program, hindi raw niya pinalipas ang pagkakataon at agad nagtaas ng kamay. “Gusto ko rin kasing mag-U.P. dati,” kuwento ni Ma’am. “Kaso hindi kaya ng health, masyadong malayo. Madali akong mahapo. Sa malapit lang ako nag-aral.”
“Improved na si Boris. Malayo na sa dati.” Pagkatapos ng aming sesyon, napag-alaman kong ipinagpaliban ni Ma’am Marian ang kanyang bakasyon para matutukan si Boris. Paano kaya ang Grade 4 teacher ni Boris, ng mga bata? Paano na kaya ang pahinga ni Ma’am? Plano kong bumalik sa kanilang eskuwela para makipagkuwentuhan at makipaglaro. Sana 2025 na at pasukan na. Ika nga ng aming si Boris, “next page!”
MGA SIPI
1. Hindi ginamit ang mga tunay na pangalan ng mga kalahok. Tinago ang lokasyon ng paaralan.
2. Bagamat dati nang nakatrabaho ang Ugnayan ng Pahinungod, University of the Philippines Open University, ito ang una kong karanasan bilang volunteer storyteller para sa kanilang Read Aloud Program. Patuloy sana ang tagumpay nila at ng kanilang mga katuwang na paaralan.
3. Sinulat ni Rebecca T. Anonuevo at ginuhit ni Ruben De Jesus ang librong Ang Mahiyaing Manok. Kabilang sa nilalaman nito ang tatlong linya: “Paglaki ko, ako naman ang magtuturo / Sa mga mahiyaing batang manok / Kung paano ang pagtilaok.”