Snap. Snap. Snap.
Tatlong magkakasunod na tunog mula sa shutter ng camera ni Gregory ang umalingawngaw sa tahimik na umaga. Ang kanyang mga mata ay nakatuon sa isang tanawin na tila nag-aanyaya, ang mga kulay ng langit ay naglalaban-laban sa mga pastel na tono, habang ang sinag ng araw ay unti-unting bumababa sa mga ulap.
Malamig ang simoy ng hangin, isang paalala na Disyembre na at malapit na ang Kapaskuhan. Sa paligid, ang mga dekorasyong parol at mga Christmas lights ay sumisikat, nagdadala ng saya sa bawat sulok ng bayan. Ang mga bata ay masayang naglalaro, ang kanilang tawanan ay umaabot sa kanyang pandinig, tila sinasabay ang kanyang paglikha ng mga alaala sa kanyang camera.
Muling tinignan ni Gregory ang kanyang nakuhang larawan. Suminghap siya at napabuntong hininga, “Napakaganda talaga nito,” bulong niya sa sarili, habang ang kanyang puso ay pumapintig sa tuwa. Isang bagong piraso na naman ito para sa kanyang koleksyon—isang kuha na maaari niyang ibenta online at magbigay ng kaunting kita.
Si Gregory ay isang commercial photographer, isang artist na may mata para sa kagandahan ng kalikasan at mga tanawin. Sa loob ng maraming taon, ito na ang naging paraan niya upang kumita at makilala. Ngunit hindi lahat ng karanasan ay maganda; may mga pagkakataong siya’y nahaharap sa mga kliyenteng hindi nauunawaan ang halaga ng kanyang sining.
“Ito lang?” napakamot siya sa ulo matapos baratin ng isang kliyente ang kanyang mga litrato. Ang pagkabigo ay tila bumabalot sa kanya habang inaalala ang kanilang pag-uusap.
“Natural! Aangal ka pa? Wala namang espesyal diyan sa mga kuha mo. Puro kalangitan lang o hindi kaya mga puno. Wala ngang kukuha sa amin para bilhin ‘yan! Pasalamat ka pa at binili ko ‘yan!” sigaw ng matabang kliyente, ang kanyang boses ay puno ng pangungutya. Tila umuusok ang ilong nito habang ipinapaliwanag kung bakit ganoon lamang kaliit ang bayad na iniaalok.
Sa huli, wala siyang nagawa kundi tanggapin ang alok. Sanay na siya sa ganitong sitwasyon; matagal nang bahagi ito ng kanyang mundo. Sa kabila ng sakit ng puso at pagkabigo, patuloy siyang lumalaban, umaasang darating din ang tamang pagkakataon—isang pagkakataon kung saan makikilala ang tunay na halaga ng kanyang sining.
Habang unti-unting lumalayo ang matabang kliyente, muling bumalik si Gregory sa kanyang camera. Pinili niyang balewalain ang negatibong karanasan at yakapin ang ganda ng umaga.
Isang araw, habang tahimik na nakaupo si Gregory sa kanyang paboritong pwesto sa ilalim ng malaking puno, isang pambihirang pangyayari ang umagaw sa kanyang atensyon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang dalaga ang lumitaw sa kanyang harapan, at sa isang iglap, nahuli niya ito sa kanyang lente.
Sa unang tingin, wala namang kakaiba sa dalaga. Ngunit habang pinagmamasdan niya ang litrato, tila may kilig siyang nararamdaman. Ang mga mata ng dalaga na puno ng saya at liwanag, na tila nagbigay-buhay sa kanyang pusong tila sarado na.
Mula noon, hindi na naalis sa isipan ni Gregory ang anyo ng babae. Araw-araw, bumabalik siya sa parehong pwesto at oras, umaasang muling makikita ang dalaga. Ngunit matapos ang ilang araw, tila naglaho ito mula sa kanyang mundo.
“Sayang! Dapat pala nilapitan ko siya at tinanong man lang ang pangalan niya!” bulong ni Gregory sa sarili habang naglalakad palayo. Sa gitna ng kanyang pagsisisi, bigla siyang napahinto nang makita ang isang anino mula sa malayo. Parang isang pagkakataon mula sa langit, nakita niyang dumaan ang dalaga.
Snap! Snap! Snap!
Tatlong sunod-sunod na tunog mula sa shutter ng kanyang camera ang umabot sa kanyang pandinig. Napatulala siya—nasa harapan niya ang babaeng matagal niyang hinahanap.
“Kinukuhanan mo ba ako ng litrato?” tanong ng dalaga, may halong pagtataka.
“Ahh… hindi ah,” sagot ni Gregory, habang natataranta at nagtatago ng camera sa likuran.
“Patingin nga ng camera mo?” tanong ng dalaga, ang boses niya’y parang musika sa pandinig ni Gregory. “Alam mo bang hindi maganda na kumuha ng litrato mula sa ibang tao na walang pahintulot nila?” Habang siya’y nakatulala, tila nahulog siya sa mga mata ng kanyang kausap ang pinakamagandang sermon na narinig niya. Sa hindi niya namamalayan, naibigay na niya ang kanyang camera.
“Tama ako ng hinala! Ito oh, may mga litrato ak…” Napahinto ang dalaga sa nasaksihan, nakita niya ang mga kuha mula sa camera ni Gregory at labis siyang namangha sa ganda ng mga ito.
“Kuha mo ito lahat?”
“Oo. Isa akong commercial photographer.”
“Talaga! Ang galing naman!” Ngumiti nito at saka nagpakilala. Ang pangalan nito ay Haruka, college student sa kursong fine arts.
Mula noon, araw-araw silang magkasama. Sa bawat tawa at kwentuhan, unti-unting nahulog si Gregory kay Haruka. Parang bulaklak na namukadkad ang kanilang samahan. Madalas siyang kumuha ng litrato sa kanya, itinatago ang mga alaala sa kanyang camera.
Habang lumilipas ang panahon, unti-unting napapansin ni Haruka ang tila pagiging makalimutin ni Gregory. Ang mga simpleng bagay na dati niyang naaalala—mga paborito nilang pagkain, mga biruan ay tila nagiging malabo. Sa bawat pagkakataon na nag-uusap sila, may mga sagot siyang tila naiiwan sa hangin, mga tanong na hindi na kayang sagutin. Sa kabila ng kanyang pag-aalala, pinili ni Haruka na huwag ipaalam ito kay Gregory, umaasang ito ay isang pansamantalang karamdaman lamang.
Isang araw, habang magkasama sila sa kanilang paboritong tambayan, bigla na lang nahimatay si Gregory. Ang kanyang katawan ay bumagsak sa lupa. Agad siyang dinala sa ospital, at ang mga sandaling iyon ay puno ng takot at pag-aalala kay Haruka. Sa loob ng silid, naramdaman ni Gregory ang bigat ng katotohanan nang sabihin ng doktor:
“Mayroon kang terminal illness, isang rare na sakit kung saan maaari kang magkaroon ng selective amnesia.”
Nagmamadaling nagtanong si Gregory, “Ano po? Paano po ako nagkaroon nito?” Ang kanyang boses ay tila nahuhulog sa kawalang-katiyakan.
“May naalala ka bang kaparehas na karamdaman sa pamilya mo? Nakikita ko kasi na pwedeng hereditary ang sitwasyon na nangyayari sa’yo,” sagot ng doktor. Ang mga salitang ito ay tila gumuho sa mundo ni Gregory, parang mga piraso ng salamin na bumagsak at nagkalat.
“Dalawang buwan,” dugtong pa ng doktor. “Kapag hindi ito naagapan, tuluyan kang magkakaroon ng amnesia sa lahat ng alaala mo.”
“Lahat?” tanong ni Gregory, ang kanyang boses ay halos pabulong.
“Lahat,” sagot ng doktor nang walang pag-aalinlangan.
Lumabas si Gregory mula sa ospital na dala ang masamang balita. Paglabas niya, agad siyang sinalubong ni Haruka. Nakita niya ang pag-aalala sa mukha nito; ang mga mata ni Haruka ay punung-puno ng tanong at takot. Pinilit ni Gregory na ngumiti, ngunit ang kanyang puso ay puno ng sakit. Ang bawat halakhak at kwentuhan nila ay nagiging isang balon ng lungkot, sapagkat alam niyang unti-unti siyang nawawalan ng alaala.
Sa mga sumunod na araw at linggo, walang inatupag si Gregory kundi ang ibigay kay Haruka ang kaligayahan na nararapat dito. Pinilit niyang gawing makulay ang bawat sandali—mga picnic sa ilalim ng punong mangga, mga tawanan habang naglalaro sa tabi ng lawa—ngunit sa likod ng bawat saya ay ang takot na unti-unting bumabalot sa kanyang isipan. Alam niyang bilang na ang kanyang mga araw; darating ang pagkakataon na makakalimutan niya ang lahat ng ito, maging ang pinakakamahal niyang babae, si Haruka.
Habang abala sila sa paglikha ng masasayang alaala, unti-unting lumalala ang kanyang karamdaman. Isang laban laban sa oras.
Pinakatitigan ni Gregory ang litrato ni Haruka, ngunit tila naglalaho ang kanyang alaala. Bakit hindi niya maalaala ang pangalan nito at ang mga sandaling kanilang pinagsaluhan? Sa kabila ng pagkalito, umiyak siya habang hawak ang kanyang camera, ang tanging bagay na nag-uugnay sa kanila. Bumalik siya sa ulirat at tinawag ang dalaga.
“May request sana ako sa’yo, Haruka,” sambit niya, ang tinig ay mahina at puno ng takot.
Napalingon ang dalaga, at ngumiti “Ano ‘yon?”
Matagal na pinakatitigan ni Gregory ang mukha ng dalaga—ang magandang ngiti nito, ang maliliit at singkit na mata, ang mahabang buhok na tila sinag ng araw. Sa kabila ng kanyang pagkalito, sinikap niyang isalba ang mga huling alaala. Maluha-luhang kinuha ni Gregory ang kanyang camera at iniabot ito kay Haruka.
“Ano ‘to?” tanong ng dalaga na tila naguguluhan.
Huminga siya ng malalim, at unti-unting bumuhos ang mga luha sa kanyang pisngi, parang ulan na walang tigil. “Ipangako mo na kahit anong mangyari, aalagaan mo ang mga litrato natin na nandito sa camera,” umiiyak na sambit niya.
Hindi naiintindihan ni Haruka ang nangyayari, ngunit nadala siya sa emosyon. “Bakit parang nagpapaalam ka?” tanong niya.
“Ipanako mo sa akin na hindi mo ako makakalimutan. Kahit anong mangyari,” nanginginig na wika ni Gregory. Tumango si Haruka bilang sagot.
Sa huling sandali, binitawan ni Gregory ang kamay ng dalaga at iniwan ang camera sa kanya. Habang siya’y umalis, tila alam ni Haruka ang katotohanan sa lihim na karamdaman ng binata—isang sakit na hindi kayang ipahayag ng mga salita.
Isang taon ang lumipas. Isang sikat na photographer si Haruka, kilala sa kanyang pambihirang mga kuha. Sa ilalim ng malaking puno, kinuha niya ang kanyang camera at muling pinagmasdan ang kalangitan.
Snap. Snap. Snap.
Tatlong magkakasunod na kuha mula sa shutter ng camera ni Haruka ang maririnig. Nang ibinaba niya ang kanyang mga paningin, isang pamilyar na lalaki ang nakatayo sa kanyang harapan.
“Kinukuhanan mo ba ako ng litrato?” tanong nito.
Napaluha si Haruka nang masilayan ang pamilyar na mukha—hindi siya maaring magkamali. “Kilala mo ba ako?” naiiyak niyang tanong.
Umiling ang lalaki. “Hindi eh.”
Ngunit sa mga luha ni Haruka, tila nahulog ang lahat ng alaala—mga pangako at pag-asa. Sa kabila ng lahat, siya’y nagpatuloy sa pagkuha ng litrato, hawak pa rin ang alaala ng isang pag-ibig na hindi kailanman makakalimutan.