“Huwag ka nang malungkot, anak. Bago ka gumising bukas ng umaga nakabalik na kami,” pangako ni Sandro habang nakangiti.
“Nag-aalala lang po kami, tay. Ang sabi po sa radyo ngayong gabi ang dating ng bagyo,” sambit ni Boyet na may kunot sa mga noo.
“Oo nga, Sandro. Baka pwedeng huwag ka na munang sumama kina pareng Emil. Napakadelikado,” pakiusap ni Martha.
Matapos maisilid ang mga pagkain sa kanyang maliit na bayong lumapit si Sandro sa asawa.
“Langga, alam mong alam ko na ang agos ng dagat na yan,” nakangiting sambit ni Sandro kay Martha. “Anak, tingnan mo ang langit,” mahinahong usap ni Sandro kay Boyet.
Agad naman sinunod ng mausisang bata ang sinabi ng ama at dumungaw ito sa kanilang bintana.
“Walang ulap ng mga ulan. Payapa. Ilang beses na rin nagkamali ang mamang nagsasalita sa radyo sa kanilang mga prediksyon. Dito na ko lumaki at tumanda kaya sa ihip pa lang ng hangin alam ko na ang panahon,” dagdag ni Sandro.
“Pare, tara na,” sigaw ni Emil na may hawak na gasera mula sa labas ng bahay, sakbit ang lambat sa kanang balikat.
“Oo pare,” tugong sigaw ni Sandro.
Hinalikan ni Sandro si Martha sa pisngi nito at lumapit kay Boyet.
“Anak, ikaw na muna ang bahala dito sa bahay habang wala ako ha. Alagaan mo si nanay. Mahal ko kayo,” pagkasambit nito hinalikan ni Sandro si Boyet sa kanyang noo, dinampot ang kanyang maliit na bayong sa lamesa at mabilis na lumabas ng bahay.
Mapanglaw ang ilaw ng aming gasera at taimtim kaming nagdadasal habang nakikinig sa lalaking nagsasalita sa loob ng radyo.
Ramdam ko ang mga hikbi ni inay habang ako’y nasa kanyang kandungan. Mga hikbing tila sumabay sa malakas na ulan sa labas. Mabilis na tibok ng puso na tila nakitambol sa mga kulog at kidlat ng gabing yaon.
At nang sumunod na umaga, mabilis akong tumakbo palabas ng bahay namin pagkamulat ng aking mga mata. Wala si tatay. Bagkos tumambad sa akin ang pinsala na dala ng nagdaang unos.
At iyon ang una at huling pangako ni tatay na hindi nya tinupad – ang umuwi sa amin noong umagang iyon.
“Ang proyektong ito ay para sa mga mangingisda at mga kaibigan nating manlalayag na bumibista sa magandang bayan ng San Mateo. Nawa’y magsilbi ang lighthouse na ito bilang inyong tanglaw sa gitna ng bagyo, liwanag na gagabay sa inyo papuntang pampang pauwi sa inyong mga tahanan,” marahang pagbasa ng isang bata. “Tay, para ito kay lolo, tama?” dugtong ng bata.
“Tama. At tulad ng nakasulat dyan, ‘Ang proyektong ito ay para sa mga mangingisda at mga kaibigan nating manlalayag na bumibista sa magandang bayan ng San Mateo,” pag-uulit ni Boyet.
“Paglaki ko gusto ko rin pong maging isang masipag at mabait na mayor, kagaya nyo,” sambit ng bata nang may pagmamalaki at kinang sa mga mata.
Napatawa si Boyet at umupo kapantay ng anak. “Sigurado ako, magiging mas magaling ka pa sa akin.”
At mas lalong lumaki ang guhit ng mga ngiti sa mukha ng bata.