Narito na naman nga’t nagkukulong sa kwartong makulimlim,
Tahimik, diwa’y naglalakbay, nadadampian ng malamig na hangin.
Pangitain ay dilaw habang ginugunita ang mga alaalang bumabalik,
Ngunit kalauna’y nagkukulay abo habang pighati’y lumalawig.
Nabalutan ng dilim ang pusong dati’y pula,
nag-aalab, puno ng pangarap at mithiin,
Ngayo’y unti unting nilalamon ng bughaw na alon ang dating nagniningas na damdamin.
Nalunod sa luntiang kumunoy, pag-aasam ay tumindi, panigbuho’y lumalim,
Nagpakadesperado makamtan lamang yaong kulay rosas na palamuting nagniningning.
Ginawang tama ang mali pagkat naging masama ang tamang balak sa mata ng madla,
Ginapang pa din pilit ang inaakalang tama ngunit maling pasya pala.
Sugatan nang natagpuan ang sarili sa ilusyong nababalot ng crimson,
Ito ba marahil ang kapalit ng bawat sakripisyong kaakibat ay kahel na karatula sa kahon?
Hinasa na tila panday ang kakakayahan upang sa hamon ng buhay makaahon,
Pero itim na baga pala ang sasalubong, tinutupok ang pinaghirapang ambisyon,
Habang patuloy pa din nilalaban ang hindi na sapat na ipaglaban pa,
Nanamlay na tila puting gumamela na nabahiran ng dagta mula sa lila.
Nawala na ang gana sa lahat,
Tuluyang nasira ang katatagan,
Nilunod ang sarili sa kayumangging alak,
Hinayaan na lang sayangin ang oras na ginintuan,
Pilak na medisina sa kaliwang kamay ay ginawang lunas sa nadaramang lusak.
Ito na ba talaga ang kasagutan sa lahat ng mga katanungang kinukubli sa turkesang garapon?
Ang takasan na lamang ang mundo at sa pintuang indigo magkulong…
Sadya nga ba talagang wala ng kulay ang pinipintahang sining sa canvas na nilamon na ng asupreng nagmula sa topasyo?
Na mas mabuti pa ba ang salitang pagsuko kaysa sa ang magpatuloy sa paghahanap ng sapiro…